Must Read
Ilang umaga nang kinakailangang magpainit ako ng tubig pampaligo. Talagang magpa-Pasko na nga, ang lamig na kasi sa madaling araw. Nakakadagdag pa sa ginaw ’yung malamig na simoy ng amihan. Sakto na ang panahon dun sa opening line nung Pinoy Christmas song na “Himig ng Pasko” ng Apo Hiking.
Dalawang beses, minsan tatlo pa, madilim pa ay gising na ang tambay na ito para makapaglingkod sa misa ng ala-6 ng umaga sa parokya namin sa Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy sa Mandaluyong,
Napapanahon ang paksang “colder nights” kasi usap-usapan ang panlalamig daw ng galit sa korupsiyon ng mga Pinoy. ’Ika nga, parang bumaba na ang temperatura ng mga uminit na ulo nung unang nagrali ang taumbayan. Ang patunay daw ay ’yung mas kauntîng lumahok sa Trillion Peso March 2.0 nung November 30.
The worst is over na nga ba pagdating sa init ng ulo ng taumbayan? Humupa na nga ba?
Napag-usapan ang masaklap na pangyayaring ito dahil: una, bagamat madami pa rin, pero mas kauntî ang sumama sa version 2 ng rali laban sa korupsiyon; pangalawa, lumitaw pa ang tila lasóg-lasóg na estado ng kilusang protesta.
At masakit man aminin, d’yan madalas nauuwi ang kasalukuyang pakikibaka sa lansangan: uusad nang mabilis, tapos tila matitisod, at sa huli magkakapirá-pirasó.
Sinasabi ko na nga ba? ’Yan ang dati na nating sakit na “ningas cogon,” sabi ng isang kapwa kong tambay na tila pinaghalong manghuhula at mamumuná. Papihit-pihit pa ang malilikot niyang kamay parang nagma-magic habang pinapaliwanag ang kanyang púnto de bísta. Ang lakas sumilakbó ng init ng mga ulo, pero pagkatapos noon, parang makakalimutan na ng mga Pinoy ang kanilang galit. Hindi na kikilos, magrereklamo na lang sa FB.
Para sa tambay na ito, inihahalintulad ko ang mga nangyayari sa kilos protesta laban sa korupsiyon sa isang kaldero ng kumukulông tubig. Ganun talaga, kapag kumulô na ang tubig, hihinaan mo ang apoy. Pero maintain pa rin ang init. Opkors, hindi p’wede ’yung pababayàan mo lang itong kumulô, baka maubos ’yan at magkasunog pa.
Doon sa programang “Balita Kwento Serbisyo” ng DZME 1530, kung saan co-anchor ang tambay na ito, nagbalik-tanaw ako sa mga kilos-protestang naganap matapos ang pagpaslang kay dating senador Ninoy Aquino noong 1983. Ang kasukdúlan ng mga serye ng protesta nung panahong iyon ay ’yung 1986 EDSA People Power.
Isa sa mga pasimuno ng mga protesta sa lansangan ang grupong August Twenty-One Movement (ATOM) nina Reli German at Butz Aquino, kapatid ni Ninoy. Ang sentro ng mga protesta noon ay ’yung halos lingguhang “yellow confetti” rally sa Ayala Avenue sa Makati, kung saan umuulan ng pinunit na mga pahina ng yellow pages ng telephone directory. Opkors, ang tanong nung nakababata d’yan, ano ’yung yellow pages at telephone directory? Kaya nga may AI, gamitin ’nyo na pandagdag ng kaalaman.
Hindi “box office hit” ang lahat ng pagkilos noon. ’Yung malalaking rally, talagang malalaki. Libo-libo ang tao, tigil-trapik sa Ayala. Napupuno noon ’yung Ugarte Football field, aapaw pa ’yung mga tao sa panulúkan ng Ayala Avenue at Paseo de Roxas. Wala pang Ayala Triangle noon, sa halip ay ’yung Ugarte field. Aktibo ang business sector noon sa mga protesta. Isa pang grupong mulat at aktibo noon ay ’yung Bank Employees’ Labor Association (BELA). Kaya ko sila naaalala kasi ang laki-laki ng streamer nila tuwing rali sa Ayala.
Pero meron ding mga rali noong na kakarampót lang ang nagsisigaw nang nakataas ang kamao. Halos walang 100 katao. Nasira ba ang loob ng taumbayan sa ganitong pangitain noong panahong iyon?
Ang ilang takeaway ng mga lider ng oposisyon laban sa unang administrasyong Marcos ay ang tanggapin na mahirap talagang panatilíhin ang galit o init ng ulo ng tao. Parang hampas ng tubig ng dagat, minsan high tide, minsan low tide. Ang mahalaga, ’yung alab sa puso ay hindi magmamáliw. At huwag mawawalan ng pag-asa.
Halimbawa, ayon sa mga survey, galit pa rin ang tao sa korupsiyon. Saka nasusundan pa nila ang mga nangyayari. Baka recharging lang sila, at babalik sa lansangan kapag fully charged na.
Isa pang POV ko ay ’yung panahon. Padating na kasi ang Pasko, at doon nakapókus ang taumbayan. Nasa Christmas party, paghahanap ng panregalo, pag-iisip ng pang-noche buena. Opkors, nagalit na naman sila sa nasabi ng gobyerno na kasya ang P500 pang-noche buena sa maliit na pamilya.
Kung talagang nagkakatamaran na sa pagkilos ang mga tao, medyo nakakabahala ’yan. Nakakabahala rin kung ang pakikibaka natin ay mauwi na naman sa pagkakawatak-watak sa halip na pagsasamang puwersa laban ng pinakatalamak na kaso ng korupsiyon sa kasaysayan ng ating bayan.
’Ika nga ni Tony La Viña sa kanyang kolum: “The rallying cry must always be Pilipinas. A nation united by a shared refusal to accept dishonesty in governance can stand firm against corruption and defeat it. A country that demands accountability with one strong voice cannot be ignored by any administration.
“If we cannot rise above our small disagreements, we risk losing the momentum we worked so hard to build. Our task now is to revive unity and move forward together.”
Marami talagang abala itong laban sa pagpuksa ng korupsiyon. Minsan talaga, manlalamig tayo. Giginawin pa nga. Eh, sa totoo lang, kapag ganyang maginaw sa umaga, mas masarap humilatà na lang at ituloy ang tulog.
Sige, kung medyo pagod na tayo, p’wede namang mag-“5 minutes” na pahinga. “Snooze” muna, ’ika nga.
Pero siguraduhin nating babangon tayo pagkatapos ng “snooze.” Kahit pa maginaw at “bed weather.”
Sabi nga sa lengguwáhe ng sports coach, “eyes on the ball.” Huwag nating titigilan. Igiit natin ang karapatan natin.
Dahil kung tatamarin tayo, para na rin nating binuksan ang pintuan ng mga bahay natin at sinabi sa mga magnanakaw sa gobyerno: “Sige ituloy ninyo na ang pagnanakaw. Limasín ninyo na ang perang pinaghirapan ko.” – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.


